R1MC, NAGTAAS NG CODE WHITE ALERT DAHIL SA PAG-AALBOROTO NG BULKANG MAYON

Nagtaas na ng Code White Alert ang Region 1 Medical Center o R1MC sa Dagupan City dahil sa bantang dulot ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay.

Bagamat halos 681 kilometro ang layo ng Mayon mula sa lungsod, sinabi ng pamunuan ng ospital na kinakailangang maging handa sakaling magkaroon ng malawakang emergency na posibleng makaapekto rin sa Northern Luzon.

Sa ilalim ng Code White, naka-standby ang mga medical team, kagamitan, at suplay ng ospital para sa posibleng pagdagsa ng pasyente o mass casualty incidents.

Sa inilabas na memorandum ni Dr. Joseph Roland Mejia, Chief of Hospital ng R1MC, ipinatutupad ang Code White simula Enero 6, 2026, alinsunod sa direktiba ng Department of Health matapos itaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang mas mataas ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog.

Inatasan din ang lahat ng ospital at health facilities sa mga apektadong lugar na mahigpit na i-monitor at agad na i-report sa DOH ang anumang health emergency na may kaugnayan sa aktibidad ng bulkan.

Samantala, hinikayat ng R1MC ang publiko na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya para sa mabilis at maayos na pagtugon sakaling lumala ang sitwasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments