NEGROS ORIENTAL – Patay ang isang radio reporter matapos barilin ng riding in tandem sa Barangay Daro, Dumaguete City, sa naturang lalawigan nitong Martes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Cornelio Pepino o “Rex Cornelio”, 48 taong gulang, residente ng Barangay Boloc-boloc, Sibulan, Negros Oriental.
Nagtratrabaho si Pepino bilang reporter at announcer sa DYMD Energy FM.
Batay sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang biktima at nakaangkas naman ang kaniyang maybahay nang biglang pagbabarilin bandang alas-8:30 ng gabi sa Villa Amanda, North Road.
Dead on arrival sa Silliman University Medical Center si Cornelio na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Nakaligtas naman sa krimen ang misis niya.
Patuloy na inaalam ng awtoridad ang motibo sa pagpaslang sa radio journalist.
Nangako naman ang Dumaguete Press Club na tutulungan ang naulilang pamilya para makamit ang hustisya.
Si Pepino ang ikatlong personalidad na nadagdag sa listahan ng mga pinatay na mamamahayag sa lungsod.