Rail replacement sa MRT-3, tiwala na matatapos ngayong Setyembre ayon sa DOTr

Tiwala ang Department of Transportation (DOTr) – Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na matatapos ang pagpapalit ng riles ng tren sa buwan ng Setyembre ngayong taon nang mas maaga sa target date completion sa Pebrero 2021.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pinabilisan pa ang rehabilitation works sa rail line sa gitna ng ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.

Paliwanag pa ng kalihim na dating ginagawa ang rail replacement works tuwing alas-onse ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw lamang o kapag non-operating hours ang MRT-3 line.


Dagdag pa ni Tugade, mula nang payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rail replacement works noong nakalipas na buwan pinalawig na ang working hours mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.

Sa ngayon aniya nasa 36,540 linear meters sa kabuuang 65,892 linear meters ng riles ang napalitan na at 5,616 linear meters ang naikabit sa panahon ng ECQ.

Kapag ganap nang makumpleto ang pagpapalit ng riles, mas bibilis na ang operating speed ng tren sa 60 kph sa Disyembre mula sa kasalukuyang 30 kph.

Facebook Comments