Random drug test sa mga pulis ng NCRPO, iniutos ni PNP Chief Archie Gamboa matapos magpositibo sa drug test ang isang pulis sa Quezon City

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang pagsasagawa ng random drug test sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ito ay matapos na magpositibo ang isa mula sa 312 na mga pulis na naka-assign sa Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang drug test sa Camp Karingal.

Kinilala itong si Patrolman Casey San Jose Austria na nakatalaga sa District Special Operations Unit o DSOU ng QCPD.


Dahil dito, agad dinis-armahan at inilipat sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit o RPHAU ng NCRPO si Patrolman Austria.

Si Patrolman Austria ang pang sampung pulis sa NCRPO na nagpositibo sa mga isinagawang random drug test simula noong January 2020.

Sinabi naman ni Gamboa, ang hakbang nilang ito ay bahagi ng pinaigting na Internal Cleansing para malinis ang kanilang hanay sa mga pulis na sangkot sa ilegal na droga batay na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments