Sinisilip na ng Department of Health (DOH) ang proposal na magsagawa ng randomized testing sa gitna ng tumataas na bilang ng COVID-19 cases.
Sa taya ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na posibleng umabot sa 100,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagdating ng katapusan ng Agosto.
Kabilang sa kanilang suhestyon ay magsagawa ng randomized testing para matukoy ang “silent carriers” ng sakit at limitahan muli ang pampublikong transportasyon kasunod ng pagtaas ng kaso sa mga tauhan ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bukas sila sa anumang suhestyon at rekomendasyon mula sa iba’t ibang eksperto.
Pero sinabi ni Vergeire na kailangan ding ikunsidera ang kapasidad ng healthcare system.
Aniya, masyado itong mabigat kaya hindi siya tiyak kung kakayanin ito ng sistema.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nangungunang ahensya sa pagsasagawa ng contact tracing efforts sa tulong ng DOH.