Rape at sexual assault sa hanay ng CPP-NPA, ipinasisiyasat ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senator Robinhood Padilla ang ulat ng rape at sexual assault sa loob ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa Senate Resolution 1162 ni Padilla, layunin nito na ma-update ang Revised Penal Code at ang Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997 – at pigilan ang kabataan sa pagsali sa armadong rebelyon.

Ipinunto ni Padilla ang pagdinig ng Senate Committee on National Defense, Peace, Unification and Reconciliation noong 2020 kung saan ibinunyag ng dating taga-pangulo ng Anakbayan Central Luzon na si Lady Desiree Miranda na ginahasa siya ng kanyang commander noong 2016, minolestiya ng kanyang squad leader noong 2017, at nakaranas ng sexual assault ng kasamahan noong 2018.


Dagdag ni Miranda, may ibang “female NPA fighters” na nakaranas din ng pang-aabuso sa loob ng NPA.

Ayon naman sa isa pang dating rebelde na si “Ka Shane,” ginahasa siya ng dati niyang NPA commander at platoon leader nang 15 taong gulang pa lang siya at aktibong combatant.

Kinasuhan niya ang dati niyang squad leader at platoon vice commander na aniya’y inabuso siya noong 2016 nang siya ay nasa Caraballo Guerrilla Front sa Nueva Ecija.

Isa pang dating kadre na si Arian Jane Ramos ay nagbunyag na nakausap niya ang ibang kababaihang naging biktima ng sexual abuse sa kamay ng lalaking kasamahan at commander nila.

Facebook Comments