Manila, Philippines – Binigyang diin ngayon ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na mali ang interpretasyon ng mga kritiko sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa harap ng mga sundalo sa Iligan City.
Matatandaan kasi na umani ng kaliwa’t kanang batikos ang rape joke ni Pangulong Duterte sa harap ng umiiral na martial law sa buong Mindanao.
Ayon kay Panelo, ang gusto lamang ipaabot ng pangulo sa mga sundalo ay siya ang responsable at accountable sa mga epekto ng martial law na kanyang idineklara sa Mindanao maging matagumpay man ito o hindi.
Sinabi pa ni Panelo na walang sinabi si PANGULONG Duterte na babalewalain niya ang Korte Suprema at kongreso habang umiiral ang batas militar.
Paliwanag ni Panelo, kung yoon talaga ang intensyon ni Pangulong Duterte ay hindi ito sumunod sa mga nakalatag sa saligang batas na kailangang magsumite ng report sa kongreso kaugnay sa pagdedeklara ng martial law sa loob ng 48 oras at ang mga basehan kung bakit ito idineklara.
DZXL558, Deo de Guzman