Iginiit ng hukom na humawak sa murder-rape case nina Eileen Sarmenta at allan gomez na dapat lang na mamatay sa kulungan ang convicted na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Si dating Pasig City Regional Trial Court Judge Harriet Demetriou ang naghatol kay Sanchez na makulong ng hanggang 40 taon sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Demetriou, gugugulin ni Sanchez ang natitira sa kanyang buhay sa loob ng selda.
Matapang ding sinabi ng dating hukom na hindi siya natatakot kay Sanchez pero nangangamba siya sa kaligtasan ng pamilya Sarmenta, maging ang mga testigo.
Aniya, posibleng resbakan sila ni Sanchez kapag nakalaya ito.
Hindi rin makakaila na malakas din ang impluwensya ni Sanchez maging sa mga lider ng simbahang Katolika.
Nagpahaging din si Demetriou sa mga ilang matataas na opisyal ng gobyerno na nagpahayag na pwedeng makalabas si Sanchez dahil sa good behavior nito.
Tinutukoy niya rito ay sina Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Sen. Bato Dela Rosa, at Bucor Chief Nicanor Faeldon.