Dumating na sa Naga City ang Rapid Deployment Team ng Office of Civil Defense (OCD) upang pangasiwaan ang pagtanggap at pamamahagi ng mga relief good sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa Bicol region.
Ayon kay Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang mga relief item ay nagmumula sa iba’t ibang ahensya at kasalukuyang dinadala sa rehiyon upang ipamahagi sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.
Nagsimula ang operasyon kahapon gamit ang mga eroplano mula sa Malaysia at Singapore.
Kasama sa mga relief item ang mga kitchen kit, shelter repair kit, family food pack, medical supply, at malinis na tubig.
Samantala, dumating na rin sa Naga City ang mga tauhan mula sa mga regional office ng OCD upang magbigay ng karagdagang suporta, kabilang ang pagdaragdag ng mga tauhan sa Emergency Operations Center at logistical assistance.