“Rapid Response” sa Bagyong Egay, ipinatutupad ng NDRRMC

Kasalukuyang ipinatutupad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang rapid response sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng Bagyong Egay.

Ito ang sinabi ni NDRRMC Chairman at Defense Secretary Gilbert Teodoro sa emergency meeting ng NDRRMC sa Office of Civil Defense (OCD) sa Camp Aguinaldo ngayong Hapon.

Iniulat ng OCD na kasalukuyang naka-deploy ang 188 search and rescue personnel at naka-standby ang 19,721 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) para sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR) Operations.


Kasalukuyan ding aktibo ang dalawang eroplano ng Philippine Air Force (PAF) sa paghahatid ng relief supplies, at naka-standby din ang karagdagang 18 eroplano, 223 land vehicles, at 135 Sea vessels.

May kabuuang P2.66 billion standby funds ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at OCD para sa relief operations.

Nanawagan naman si Teodoro sa media na tumulong sa pagpaparating ng mga ulat ng pinsala sa NDRRMC, para sa mas mabilis na pangangalap ng impormasyon.

Facebook Comments