Rapid testing na ginanap sa loob ng munisipyo, ikinagalit ng konsehal

LEFT: Image from Councilor Moti Arceo | RIGHT: Video captured from Alexia Guevarra

Viral sa social media ang pagwawala ng isang konsehal ng Pasay City nang madiskubreng ginawang COVID-19 testing room ang session hall ng munisipyo noong nakaraang linggo.

Sa video, maririnig ang sigaw at pagmumura ni Councilor Moti Arceo matapos madatnan sa lugar ang mga healthcare workers na nakasuot ng personal protective equipment.

“Ganiyan ba kaikli mga pagiisip niyo? […] Araw-araw namin dini-disinfect ‘yan eh. Session hall namin ‘yan. Nagpaalam ba kayo sa amin lahat? Eh lahat kami gumagamit niyan eh,” buwelta ni Arceo sa nakatalagang medical staff.


“Kung hindi delikado bakit naka-PPE pa kayo? Delikado ba o hindi? Bakit naka-PPE kayo lahat? Bakit hindi sa opisina ninyo ginawa ‘yan? Bakit dito sa amin? Diyos ko naman. Tapos sasabihin niyo ‘wag akong sumigaw,” hirit pa ng opisyal.

Mariing kinondena ng mga netizen at ng Philippine Association of Medical Technologies (PAMET) ang ipinakitang asal ni Arceo.

“‘Huwag nating pabayaang tuluyang sumuko ang ating mga health care workers hindi dahil sa COVID-19 virus, kung hindi dahil sa posibleng pagbaba ng moral dahil sa mga ganitong mga pangyayari,” sabi ni Dr. Ronaldo Puno, pangulo ng PAMET, sa isang panayam.

Humingi naman ng paumanhin si Arceo sa nangyari noong Martes ng hapon, Mayo 19. Paliwanag niya, hindi raw kumonsulta o nagpaalam ang city health office na gaganapin sa session hall ang rapid testing.

“Sinabi ko wala akong personal na galit sa inyo. Nagalit ako, napasigaw ako, nagmura ako, pasensiya na kayo,” saad ng konsehal.

Dagdag pa niya, dapat hiniwalay o naglagay na lamang ng tent sa labas ng munisipyo, katulad ng ginagawa ng mga ospital o ibang pamahalaang siyudad.

Magsasagawa naman ng conference ngayong linggo, sa pangunguna ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubio, para masinsinang mag-usap ang mga konsehal at kawani ng health office.

Facebook Comments