Pormal nang nagsampa ng “motion for reconsideration” sa Court of Appeals (CA) sina Rappler CEO Maria Ressa at dating Researcher na si Rey Santos Jr., hinggil sa naunang desisyon ng CA na nagpapatibay ng hatol sa kasong cyber libel laban sa kanila.
Batay sa inihaing mosyon, iginiit ng kampo nina Ressa at Rey na isantabi ang desisyon ng Manila RTC noong 2020 na nagdidiin sa kanila sa cyber libel at bawiin din ang pagbayad ng danyos sa negosyanteng si Wilfredo Keng.
Ayon kay Ressa, maituturing na usaping political at hindi usaping legal ang pag-atake sa Rappler kung saan layon lamang na na pigilan sila sa kanilang pagganap ng tungkulin bilang mga mamamahayag.
Matatandaang, nag-ugat ang kaso sa isinulat at nailathala noong 2012 ng Rappler kaugnay sa umano’y pagdawit kay Wilfredo Keng sa kaso ng human trafficking at pagpupuslit ng droga.