Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher ng kumpanya, hinatulang guilty ng korte sa kasong cyber libel

Guilty ang hatol ng Manila Regional Trial Court kay Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher-writer ng kumpanya na si Reynaldo Santos sa kasong cyber libel.

Batay sa inilabas nang desisyon ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa, napatunayang guilty beyond reasonable doubt si Ressa at Santos sa kasong ibininintang sa kanila.

Dahil dito, ipinag-utos ng korte ang pagkakakulong kina Ressa at Santos ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon at pagbabayad ng ₱200,000 na moral damages at ₱200,000 na exemplary damages.


Inatasan din ng korte ang dalawa na maglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Nag-ugat ang kaso kina Ressa at Santos dahil sa artikulo tungkol sa negosyanteng si Wilfredo Keng na nagsasangkot dito sa human trafficking at drug smuggling.

Nakalagay rin sa artikulo na sangkot sa human trafficking at drug smuggling ang negosyante.

Sinabi ng prosekusyon na unang nailathala ang artikulo noong May 2012, pero muli itong ipinublished ng Rappler noong February 2014 kaya sakop ito ng cyber libel law.

Si Ressa at Santos ang kauna-unahang nahatulan sa walong taong gulang na Philippine Cybercrime Law.

Facebook Comments