Hindi sapat para kay Senador Risa Hontiveros ang kasalukuyang takbo ng national vaccination program na mabagal kaya hindi makakapagbigay ng proteksyon sa mamamayan laban sa higit na malalang mga variant ng COVID-19.
Diin ni Hontiveros, kahit mahigit sa 10 milyong katao na ang nabakunahan ay hindi pa rin naaabot ng COVID-19 Inter-Agency Task Force o IATF ang sarili nilang mga target para makamit natin ang herd immunity.
Pahayag ito ni Hontiveros sa harap ng pagkansela ng mga Local Government Unit (LGU) ng kanilang mga schedule ng pagbabakuna dahil sa kawalan ng supply ng COVID-19 vaccine.
Paliwanag ni Hontiveros, ang daming LGUs ang nagpahayag ng kahandaan para sa vaccination rollout at mayroon na silang cold storage facility, vaccinators, dedicated na lugar, mataas ang vaccine confidence, pero walang maibigay na bakuna ang IATF.
Pakiusap ni Hontiveros sa IATF, mas bilisan pa ang pagbabakuna dahil nangangalahati na ang taon at hindi pwedeng patse-patse ang tugon sa isang pandemya.