Rate-setting rules para mapabilis ang aksyon sa singil sa kuryente, nirebisa ng ERC

Nire-rebisa na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga patakaran sa pag-compute ng singil sa kuryente upang mas mapabilis ang paglalabas ng desisyon para sa mga distribution utilities at electric cooperatives.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan na layon ng bagong panuntunan na magkaroon ng mas malinaw at mabilis na proseso, para matapos ang mga pagdinig at makapaglabas ng desisyon sa loob lamang ng ilang buwan.

Ipinaliwanag ni Juan na ang generation charge ang pinakamalaking bahagi ng bayarin sa kuryente at nakadepende ito sa kumpetisyon ng mga power suppliers kaya mahalaga ang sapat na kapasidad at pamumuhunan sa pagtatayo ng mga planta upang manatiling kompetitibo at mapababa ang singil sa kuryente.

Dagdag pa ng opisyal, saklaw ng regulasyon ng ERC ang transmission at distribution charges, ngunit mahigit isang dekada nang hindi nare-reset ang rates ng mga distribution utilities, at halos 15 taon na para sa mga electric cooperatives.

Binigyang-diin nito na kailangang mailabas agad ang bagong rules para masiguro na bago pumasok ang panibagong regulatory period ng mga distribution utilities, may pinal nang desisyon na ang ERC sa kanilang singil.

Para naman sa mga electric cooperatives, sinabi ng opisyal na kailangan ding baguhin ang umiiral na patakaran para sa reclassification at pagtatakda ng bagong singil, na inaasahang maisasakatuparan ngayong taon o sa unang bahagi ng susunod na taon.

Facebook Comments