Hindi na ikinagulat ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pagbaba ng trust ratings ni Vice President Sara Duterte base sa huling survey ng Pulse Asia.
Malakas ang paniniwala ni Gonzales na nakaapekto sa performance, trust and approval ratings ni VP Duterte ang hindi nito pagsagot sa tanong ng mga kongresista ukol sa paggamit nito ng pondo ng Office of the Vice President at sa panahong siya ang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa tingin ni Gonzales, patuloy pang bababa ang ratings ni Duterte dahil galit ang tao sa hindi tamang paggasta ng pampublikong pondo, lalong-lalo na’t hindi ito humaharap sa pagdinig ng Kongreso para ipaliwanag ang mga nakitang iregularidad.
Diin ni Gonzales, dapat maging transparent ang mga public official sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Pinaalalahan din ni Gonzales ang ikalawang pangulo na walang sino man ang nakatataas sa batas kaya dapat itong managot partikular sa nakitang mga paglabag o tila paulit-ulit na pattern ng posibleng pang-aabuso sa paggamit ng confidential funds.