Ratsada AFP, PNP at iba pang security forces pinaigting ang kanilang intel gathering hinggil sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect BBM at Vice President-elect Duterte

Puspusan na ang ginagawang intelligence monitoring and gathering ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang security forces.

Ito ay kaugnay nang nalalapit na inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, nais nilang matiyak na hindi sila malulusutan ng mga magbabalak o magtatangkang manggulo sa inagurasyon ng 2 pinakamatataas na lider ng bansa.


Ayon kay Fajardo sa ngayon, wala naman silang natatanggap na report ng posibleng spill over dito sa Metro Manila ng mga nangyayaring pambobomba sa ilang bahagi ng Mindanao.

Lumikha na rin sila ng Security Task Group Manila at Security Task Group Davao na silang mangunguna sa latag ng seguridad sa mangyayaring panunumpa sa pwesto nina Marcos at Duterte.

Nabatid na sa June 19 ang Oathtaking Ceremony ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City, habang sa June 30 naman si President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa National Museum sa Maynila.

Facebook Comments