Naniniwala si IBON Foundation Executive Secretary Sonny Africa na hindi makakatulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang isinusulong na Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.
Ayon kay Africa, base na rin sa karanasan, ilang free trade agreement na ang pinasok ng bansa sa nakalipas na tatlong dekada pero hindi naman umubra para palakasin ang sektor ng agrikultura at industriya.
“Yung pinakauna yung ASEAN agreement nung 1993, sinundan siya ng World Trade Organization nung 1995, sinundan siya ng siyam pa na free trade agreement, yung pinakahuli bago ang RCEP, ang pinakahuling malaki ay yung Japan-Philippines agreement, merong sa European-Philippine agreement. Lahat sila ang sinasabi, buksan ang ekonomiya, papalakasin tayo. Anong nangyari? Pagkatapos ng mahigit tatlong dekada ng mga free trade agreement, andito tayo ngayon. Bagsak ang agrikultura, bagsak ang industriya. At para sa amin, leksyon yan, matuto na tayo na hindi siya umubra,” giit ni Africa.
Sa halip, ayon kay Africa, dapat na gayahin ng Pilipinas ang ginawa ng ibang bansa na pagprotekta sa local producers at paglikha ng maraming lokal na trabaho para mapalakas ang kanilang ekonomiya.
“Gawin natin ang ginawa ng mga bansa na nakatingala tayo like China, Japan, South Korea, pati US, UK, Germany. Gawin natin ang ginawa nilang lahat, pinrotektahan ang local producers, lumikha ng lokal na trabaho, hindi umasa sa overseas work para may hanapbuhay ang kanilang mga mamamayan,” aniya.
“May leksyon na tayo dyan. Huwag nating ibukas ang ekonomiya ng bansa kasi lalo tayong mapapasama actually sa RCEP tulad ng nangyari sa nakaraang sampung free trade agreement,” saad pa niya.