Naniniwala si Senator Imee Marcos na papatayin pa rin ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ang industriya ng agrikultura sa bansa.
Ito ang inihayag ni Sen. Marcos dahilan kaya hindi ito lumagda sa committee report ng RCEP at kung bakit hindi siya ang nag-sponsor ng RCEP sa plenaryo gayong siya ang Chairman ng Foreign Relations Committee na duminig sa kasunduan.
Ayon kay Marcos, tinitimbang niya pa ang malaking kikitain sa RCEP at ang magiging dagok o bigat ng free trade agreement sa mga maliliit na magsasaka at mga maliliit na negosyante.
Partikular na tinatantya ng senadora ang gains o benepisyo mula sa electronics at garments laban sa pinsala sa agrikultura ng RCEP.
Giit ng senadora sa kabila ng maraming benepisyo ng RCEP sa ekonomiya, pipinsalain at papatayin naman nito ang ating mga magsasaka sa kanayunan.
Bagama’t marami anyang puwedeng gawin para matulungan ang ating agricultural sector, tinukoy ni Sen. Marcos ang napakaraming pangako sa ating magsasaka na hindi naman natupad mula pa noong sumama tayo sa World Trade Organization noong 1994.