Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni re-electionist City Councilor Rufino Arcega na umatras ito sa kanyang kandidatura sa pagka-konsehal ng lungsod ng Cauayan matapos ihain ang withdrawal certificate sa tanggapan ng COMELEC kahapon, Oktubre 18, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SP Arcega, isa sa dahilan ng pag-atras nito ang usapin ng kanyang kalusugan lalo pa at humarap umano tayo sa pandemya dahil sa COVID-19.
Ipinunto rin niya na ‘vulnerable’ sa virus ang gaya umano niyang senior citizen kaya’t nagdesisyon na umatras sa kanyang kandidatura.
Ayon pa sa konsehal, isinangguni niya sa kanyang pamilya ang naging desisyon at sinang-ayunan naman umano siya at isa ring dahilan ng pag-atras nito ay ‘delicadeza’.
Samantala, ikinagulat naman ng Federation of Senior Citizen ang naging desisyon ng konsehal na umatras para sa halalan 2022.
Nangako naman si Arcega na magpapatuloy pa rin siya sa pagtulong sa mga mamamayan lalo na ang mga senior citizen.
Matagal na panahong pinamunuan ni Arcega ang pagiging City Agriculturist bago pumasok sa mundo ng pulitika.