Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Budget and Management na hindi agad mararamdaman ng mga empleyado ng Pamahalaan ang ika 4 na bahagi ng Salary Standardization law o SSL sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, wala pang mararamdamang salary increase ang mga nasa uniformed services at civilian employees ng pamahalaan dahil hindi pa naipapasa ang 2019 national budget.
Paliwanag ni Diokno, kabilang ito sa mga nabitin dahil sa re-enacted budget sa susunod na taon.
Bukod aniya dito ay hindi rin aniya mapopondohan ang mga bagong infrastructure projects sa unang Quarter ng susunod na taon dahil sa re-enacted budget dahil hindi maaarin pondohan ang mga proyektong natapos na at una nang nabigyan ng proyekto.
Maipatutupad lang aniya ang mga ito at mapopondohan ang salary increase ng mga empleyado ng Gobyerno kung maipapasa ang 2019 national budget.
Tiniyak din naman ni Diokno na hindi maaapektuhan ang mga malalaking proyekto ng Pamahalaan tulad ng pagtatayo ng Subway dito sa Metro Manila at ang Philippine National Railways, internal revenue allotment para sa local government units na aabot sa 600 bilyong piso at hindi din maaapektuhan ang personal wages at maintenance sa susunod na taon.
Binigyang diin ni Diokno, mahalaga na agad na maipasa ng mga mambabatas ang pambansang pondo upang hindi maantala ang pagunlad ng bansa.