Re-enacted budget tinalakay sa naganap na Cabinet meeting sa Malacañang

Manila, Philippines – Hinimay sa nakaraang Cabinet meeting ang mga negatibong epekto ng re-enacted budget para sa 2019.

Matatandaan na kagabi ay naganap ang Cabinet meeting sa Malacañang na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kabilang sa mga tinalakay ang epekto nito sa pasweldo sa mga kawani ng gobyerno, tulad ng mga guro, pulis at sa mga sundalo.


Inisa-isa din ang mga magiging epekto sa basic social services at pagpapatuloy ng mga infrastructure programs ng Pamahalaan sa ilalim ng Build Build Build Program.

Sinabi din ni Panelo dapat ay tuparin ng Kongreso ang kanilang mandato na aprubahan ang General Appropriations Act bilang pagsunod sa saligang batas.
Hindi din aniya magiging katanggap-tanggap sa taumbayan kung lalo pang ma-de-delay ang pagpasa ng 2019 National budget lalo pa at maagang ibinigay sa kanila ang proposed budget noong nakaraang taon.

Umapela naman si Panelo sa mga mambabatas na iwasan na ang pamumulitika at magkaisa para sa mamamayan at ipasa ang 2019 National budget.

Facebook Comments