Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng rerouting scheme sa araw ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang pahayag, inabisuhan na ng MMDA ang publiko na tahakin ang mga itinalagang alternatibong ruta kapag bumigat na ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City na malapit sa Batasang Pambansa Complex na siyang pagdarausan ng SONA.
Ayon kay MMDA OIC Baltazar Melgar, magpapakalat sila ng higit 1,100 na tauhan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at iba pang kalsada para sa unang SONA.
Paiigtingin din ng MMDA ang clearing operations para tanggalin lahat ng itinuturing na road obstructions kabilang na ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan upang masigurong lahat ng alternatibong ruta ay madadaanan.
Samantala, narito ang mga alternatibong ruta na ipapatupad sa araw ng SONA ng pangulo:
Northbound (kung galing ng Quezon Memorial Circle at pupunta ng Fairview):
– Mula sa Elliptical road ay dapat tahakin ang North Avenue at saka kumanan sa Mindanao Avenue, kakanan muli sa Sauyo Road o kaya ang Quirino Highway at saka tumungo ng Commonwealth Avenue
Soutbound (kung galing ng Fairview at pupunta sa Quezon Memorial Circle)
– Mula sa Commonwealth Avenue ay dapat tahakin ang Sauyo Road o Quirino highway at saka kumaliwa sa Mindanao Avenue, kaliwa muli sa North Avenue.
Para naman sa mga motoristang gumagamit ng light vehicles ay maaari ring gamitin ang mga sumusunod na ruta:
Northbound (kung galing ng Quezon Memorial Circle at pupunta ng Fairview via Marikina)
– Mula Elliptical Road ay kumanan sa Maharlika St., kaliwa muli sa Mayaman St., kakanan sa Maginhawa St., kakaliwa sa C.P. Garcia Avenue, kakanan sa Katipunan Avenue, kakaliwa sa A. Bonifacio Avenue at saka dumiretso sa Gen. Luna Avenue, tapos kakanan muli sa Kambal Rd., kakaliwa sa GSIS Road, kakaliwa sa Jones St., kakanan sa Gen Luna Avenue at saka dumiretso sa A. Mabini St., kakaliwa sa Rodriguez Highway at saka kumaliwa sa Payatas Road
– Para naman sa mga light vehicles mula sa C5 Road ay pwedeng kumaliwa sa Magiting St., kakanan Maginhawa St., kakaliwa sa Mayaman St. papunta sa Kalayaan Avenue
Inaabisuhan din ang mga trucks na manggagaling sa C-5 sa kahabaan ng Kalayaan Avenue na gamitin ang Luzon Flyover at saka kumaliwa sa Congressional Avenue upang makarating sa destinasyon.