READY! | NDRRMC, tiniyak na nakahanda sa pagbayo ng paparating na bagyo

Manila, Philippines – Tiniyak ng NDRRMC na nakahanda na rin ang ahensya sa panibagong bagyong papasok sa bansa bago matapos ang 2017.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, nasa labas pa ng bansa ang Low Pressure Area na inaasahang papasok sa bansa ngayong weekend at posibleng mag-landfall sa January 1 o 2.

Sinabi ni Marasigan na nananatili pa rin silang naka-red alert mula pa noong bagyong Urduja at Vinta at nakahanda din ang mga ahensya tulad ng DILG at DSWD para sa rescue at relief operation.


Siniguro pa ng NDRRMC na may sapat na food packs at iba pang tulong na maibibigay para sa mga magiging biktima ng kalamidad.

May mga naka-deploy na rin na mga tauhan ng LGUs at AFP personnel sa bawat komunidad para tumulong at maaga pa lang ay makapagbigay na ng babala sa paparating na bagyo.

Hindi pa matiyak sa ngayon ng NDRRMC kung ang bagyo ay magiging Super Typhoon o Tropical Depression lamang pero mainam na makapaghanda lalo pa`t hindi pa rin nakakabangon ang ating mga kababayan na sinalanta ng bagyong Urduja at Vinta.

Facebook Comments