Pampanga – Nagulat si Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Angie Blanco sa report na may dalawang kaso na inoobserbahan ang Department of Health na nagpapakita ng ubo at lagnat sa San Luis, Pampanga.
Ayon kay Blanco, kasama lamang nila sa pulong kay Agriculture Secretary Manny Pinol ang kinatawan ng DOH pero wala naman nababanggit kaugnay ng dalawang taong nagkakasakit na niuugnay sa contact sa kontaminadong manok.
Suspetsa ni Blanco na ang tinutukoy ng DOH ay ang mga anak ng may-ari ng Tan farm na inuubo dahil nagreact ang sistema ng katawan sa itinurok na vaccine.
Binakunahan muna ng MHO ang mga anak at tauhan sa mga farm na isusunod sa proseso ng culling.
Aniya, natural na reaksyon sa bakuna na lagnatin at sipunin.
Idinagdag niya na hanggat wala pang opinyon ang Australia kung negatibo sa HN6 ang virus, hindi pa maaring sabihin na naililipat sa tao ang contact sa manok.
Isinasaalang-alang naman nila ang kaligtasan ng mga taong nagsasagawa ng culling tulad ng pagsusuot ng kumpletong bihisan tulad ng gloves, masks, goggles at boots at binabakunahan muna ng flu vaccine.
Sa ngayon ang provincial government na ang tututok sa culling, katuwang nito ang limang ahensya ng gobyerno.
Mga tauhan mismo ng poultry ang pahahawakin ng manok na ilalagay sa sako saka pauusukan ng carbon monoxide o usok sa tambutso.
Nais naman ni Secretary Pinol na sunugin ang mga manok dahil puno ng tubig ulan ang mga hukay na paglilibingan sa mga manok.
Lumalampas na kasi sa tatlong araw na palugit ang dapat na pag-depopulate sa lahat ng mga hayop na may balahibo at pakpak sa 1 kilometer radius quarantine sa San Luis, Pampanga.