Aminado si House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co na hindi madali ang naging desisyon ng Kamara na maglipat ng pondo sa ilalim ng panukalang budget para susunod na taon.
Pero diin ni Co, hindi rin makatwirang matulog ang pondo sa ibang mga ahensya o programa habang napakaraming pangangailangan ang milyun-milyong pamilyang Pilipino at habang bumabangon ang bansa mula sa pandemya.
Sinabi ito ni Co, makaraang Umabot sa P77.5 billion ang inilipat na pondo ng Kamara sa kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pang kritikal na social services sa ilalim ng proposed 2023 budget.
Ayon kay Co, pinili nila ang mga proyekto at programa na pinagkuhaan ng pondo na batay sa kanilang performance noong mga nakaraang taon ay hindi naman nagagamit ng buo o fully utilized ang pondo.
Binanggit ni Co na malaking bahagi ng realigned budget ay hinugot sa Metro Manila Subway Project at North-South Railway Commuter Project para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng ₱50 billion.
Tiniyak naman ni Co na ang naturang programa ay maaari pa ring pondohan na lang sa susunod na fiscal year.
Siniguro din ni Co na lahat ng major infrastructure projects na maaaring ipatupad sa 2023 ay hindi mababalam.