Ipinauubaya ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang realignment ng Confidential at Intelligence Funds (CIF).
Ayon kay Zubiri, wala naman siyang problemang nakikita sa CIF at iginiit din nito na kawawa naman ang departamento na tatanggalan ng confidential funds.
Sinabi pa ng Senate President na hindi naman ito ‘cash’ na ibinibigay sa ahensya at ito ay dadaan pa sa Commission on Audit (COA) at may certification pa para malaman kung saan ginamit.
Bukas naman si Zubiri sa panukala ng oposisyon na i-realign ang pondo ng CIF pero ito ay depende sa Minorya ng Senado at sa ilalatag nilang amendments.
Sa P5.268 trillion na 2023 national budget, mayroong P4.5 billion na CIF sa Office of the President, P500 million sa Office of the Vice President, at P150 million sa Department of Education (DepEd).