Inaprubahan ng MDRRMC at Municipal Development Council ng Mangaldan ang pagre-reallocate ng ₱23.6 milyong hindi nagamit na pondo mula sa 30% Quick Response Fund (QRF) ng Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa mga taong 2020 hanggang 2025, sa isang pagpupulong noong Enero 20.
Ang naturang pondo ay gagamitin bilang special trust fund alinsunod sa umiiral na patakaran, na nagpapahintulot sa paggastos ng Quick Response Fund na hindi nagamit sa loob ng limang taon, basta’t nakalaan pa rin sa disaster preparedness, response, at mitigation.
Batay sa planong inilahad, ₱7 milyon ang ilalaan para sa konstruksyon ng tulay sa Barangay Macayug na madalas bahain at itinuturing na disaster-prone area; ₱5.4 milyon para sa pag-aspalto ng mga kalsada sa Barangay Poblacion at ₱6.5 milyon para sa upgrading at rehabilitasyon ng mga kalsada sa Barangay Amansabina.
Ang natitirang pondo ay nakatakdang gamitin para sa pag-iimbak ng relief goods, pagbibigay ng materyales sa mga pamilyang may nasirang bahay, at pagbili ng garbage truck bilang bahagi ng mga hakbang sa disaster response at risk reduction.
Tinalakay rin sa pulong ang kalagayan ng mga natapos na proyektong pang-imprastruktura na pinondohan mula sa 20% National Tax Allotment, gayundin ang kabuuang bahagi ng lokal na pamahalaan sa NTA na magsisilbing pangunahing pondo para sa operasyon at iba pang serbisyo ng bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










