Posibleng maging mitsa ng patuloy na pagbaba ng ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ginawa nitong reappointment kay Health Secretary Ted Herbosa.
Ayon kay Robert Mendoza, pangulo ng Alliance of Health Workers, marami kasing tutol kay Herbosa na pamunuan ang Department of Health (DOH) lalo na ang medical health workers.
Katwiran nito, wala namang nangyari nang maging kalihim si Herbosa ng DOH dahil nananatiling understaff ang mga ospital kung saan 12 oras pa rin kung magtrabaho ang nurses sa halip na walong oras.
Mababa pa rin ang mga sahod at hindi pa rin naibibigay hanggang ngayon ang COVID-19-related allowances and benefits ng health workers kahit pa lifted na ang state of public health emergency sa buong bansa.
Maliban dito, bigo rin na depensahan ni Herbosa ang naka-ambang budget cut ng kagawaran.
Posible kasing mabawasan ng P10-B ang budget ng DOH sa susunod na taon na malaking dagok lalo pa’t patuloy pa ring bumabangon ang bansa mula sa pandemya.
Sa pinakahuling survey ng OCTA Research Group, bumaba ang trust rating ni PBBM mula 83 percent noong March 2023 sa 75 percent nitong July 2023.