Tutol din ang isang malaking commuters advocacy group sa napapabalitang muling paghirang kay Transport Secretary Arturo Tugade bilang kalihim ng nasabing departamento at sinabing bingi at manhid ang kasalukuyang liderato ng Department of Transportation (DOTr) sa hinaing ng mga commuters.
Sinabi ni Toix Cerna, tagapagsalita ng commuters advocacy group na Komyut, na wala na ring tiwala ang transport sector kay Tugade at maging sa mga nakaupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Binansagan ni Cerna na “bingi at manhid” ang mga ito sa hinaing ng mga tsuper at mananakay.
“Napabayaan talaga ng kasalukuyang liderato ng DOTr ang pampublikong transportasyon. May nabuo mang programa para tugunan ang pangangailangan katulad ng ayuda at service contracting, hindi naman naging maayos ang implementasyon. Naging bingi at tahimik at manhid ng liderato sa mga reklamo ng transport sector at ng mga mananakay,” ani Cerna.
Dagdag ni Cerna na ang kasalukuyang liderato sa DOTr ay nagdulot ng malaking sugat sa buhay at kabuhayan ng transport sector at mas mainam aniya na ang papasok na administrasyon ay magtalaga ng bagong opisyal na maaaring magbigay ng pag-asa sa napabayaang sektor.
“Mainam sa panimula ng isang bagong gobyerno ang makapagtalaga ng lideratong magbibigay ng pag-asa sa sektor. Malaki ang naging pagkukulang ng dating liderato sa transportasyon at malalim ang sugat na idinulot sa buhay at kabuhayan ng mga mananakay at trabahador sa sector,” dagdag ni Cerna.
Aniya, “mahirap magtiwala muli ang sektor kapag ang liderato ay mananatiling ganoon pa rin.” Paliwanag niya na ang tamang tao na papalit kay Tugade ay iyong nakikinig, mabilis sa pagtugon sa mga problema ng transport sector at nakakaintindi sa kalagayan ng mga drayber at mananakay.
Nauna rito, halos magkasunod ding umapela ang dalawang malaking grupo sa transportasyon kay presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palitan si Tugade.
Noong Martes, hiniling ng National Public Transport Coalition kay Marcos na palitan si Tugade at sinabing ang transport sector ay pinaka-napabayaang sektor sa gitna ng pandemya at patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina.
Ang NPTC ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Samahan ng mga Tsuper at Operator tutol sa Phase Out (STOP), Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMMI), Unified Transport Alliance of the Philippines (UTAP), Small Bus Operators of the Philippines, Philippine Bus Operators Association of the Philippines, Pilipino Society and Development Advocates, Alliance of Philippine Customs Brokers and Trucking Associations (CTAP), Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), Haulers and Truckers Association in the Watersouth (HATAW), Lawyers for Commuters Safety and Protection, Truck Drivers Association of the Philippines, Motorcycle Rights Organization (MRO), Motorcycle Riders of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).
Ang koalisyon ay lumagda sa isang manipesto na humihiling kay outgoing President Rodrigo Duterte at kanyang kahalili na si Marcos na itama ang mga problema ng transportation sector.
“Ang transport sector po ay mahigpit na hinagupit ng pandemya. At ngayon patuloy po kaming pinaluluhod dahil sa mataas na presyo ng gasoline. Sa gitna po ng lahat ng ito, napabayaan po ng kasalukuyang liderato sa DOTr ang aming hanay. Para po kaming inabandona. Ang pag-asa po namin ay ang pangako ni incoming President Marcos, Jr. na bibigyang-pansin nya ang lahat ng sector at tutulungang makaahon kasabay ng pagpaangat ng ekonomiya. Isa pong solusyon sa transport sector ay ang pag-appoint ng bagong secretary sa DOTr na tutulong, mag-aalaga at magpapalakas ng aming hanay,” ayon kay Coalition Spokesperson Ariel Lim.
Noong Biyernes, gumawa ng hiwalay na apela ang FEJODAP at ang Liga ng mga Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na palitan na si Tugade dahil sa kabiguan umano nitong aksyunan ang mga suliranin ng transport sector sa anim na taon nitong panunungkulan.
“Hindi lang sila nabigong tugunan ang mga problema sa transportasyon, dumagdag pa sila,” ani LTOP President Orlando Marquez sa press conference noong Biyernes.
Idinagdag pa ni Marquez, “ipinarating namin kay Sec. Tugade ang aming mga problema pero hindi siya nakinig. Kalaunan, tumigil na rin kami sa pagtawag, pagsulat at pakikipagdayalogo sa kanila dahil wala naman talagang pinatunguhan.”