Epektibo na sa water bill sa Hunyo ang rebate o balik-bayad ng Manila Water sa lahat ng mga kostumer nitong naapektuhan ng problema sa suplay ng tubig.
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chief Regulator Patrick Ty, bahagi ito ng multa ng Manila Water.
Aniya, lahat ng kostumer ng Manila Water ay bawas ang unang 10 cubic meters na konsumo sa June billing na katumbas ng P150 milyon.
Mayroon rin namang aniyang rebate na P2,197.94 ang bawat isa sa 140,000 kostumer na “severely affected” o nakaranas ng walang tubig sa loob ng pitong araw.
Paliwanag ni Ty, sa P1.13 bilyon multa ng Manila Water, P600 milyon dito ay mapupunta sa mga proyektong hindi puwedeng singilin ng kompanya sa mga kostumer habang P534 milyon naman sa rebate.
Kasabay nito, nagbabala rin ang MWSS-Regulatory Office na kapag hindi naibalik sa normal ang sitwasyon sa tubig pagdating ng Agosto ay madodoble ang financial penalty ng Manila Water.
Sa ngayon, higit 99 porsiyento ng Manila Water customers ang may suplay na ng tubig pero mahina pa rin ang pressure.
Sa ilalim ng concession agreement, 180 days o 6 buwan ang binibigay sa Manila Water para ayusin ang problema.