
Bukas ang Malacañang na isama sa imbestigasyon ng binubuong independent commission ang mga isiniwalat ng mag-asawang Sara at Curle Discaya tungkol sa umano’y mga kongresistang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa press briefing sa Cambodia, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabunyag ang buong katotohanan sa isyung ito pero ayaw naman ng Pangulo ang simpleng name dropping o basta-bastang pagbabanggit ng pangalan nang walang matibay na ebidensya.
Dagdag ni Castro, bukas din ang Palasyo na magbigay ng proteksyon sa mag-asawang Discaya kung lalantad ang mga ito bilang testigo.
Gayunman, kailangan munang masuri ang kabuuan ng kanilang testimonya at matimbang kung ito ba ay nakabatay sa totoong datos facts at data, lalo na’t inamin ng mag-asawa na noong pa 2016 sila nagsimulang kumubra ng mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).









