Iminungkahi ni Marikina Rep. Stella Quimbo na samantalahin ng pamahalaan ang pagsasailalim sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para i-reboot ang mga COVID-19 plans.
Sinuportahan ng kongresista ang MECQ sa Metro Manila kahit pa tinatayang ₱12 billion kada araw ang mawawala sa bansa.
Sinabi ni Quimbo na Co-Chair ng Economic Cluster, kailangang gawing produktibo ang panahon ng MECQ at gamitin ang “timeout” sa pagpaplano ng paglalabas ng ulat ng pamahalaan upang magbigay paalala sa publiko na ang aksyon ng bawat isa sa COVID-19 ay nakakaapekto sa iba.
Kailangan din aniyang gamitin ng Department of Health (DOH) ang pagkakataon na maipaliwanag nang maayos sa publiko ang mga dapat gawin laban sa sakit upang maging ligtas ang bawat pamilya at ang buong bansa.
Kung ligtas aniya ang lahat ay tiyak na makakausad ang ekonomiya at makakabalik muli sa trabaho ang mga manggagawa.
Iginiit din nito na kailangan muling makuha ng DOH ang tiwala ng publiko at magagawa lamang ito kung magrereport ng tama ang kagawaran.