Recalibrated deployment ng mga pulis, ipinatupad simula ngayong araw

Mas pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong Metro Manila bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos para sa mas maayos, payapa, at ligtas na kapaligiran.

Ngayong araw, inilunsad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang malawakang deployment plan kung saan umaabot sa 21,213 pulis mula sa kabuuang 23,305 pwersa ng NCRPO ang ipinakalat sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.

Layon ng hakbang na ito na palakasin ang presensya ng kapulisan upang mapigilan ang krimen at masiguro ang kaayusan.

Sa bagong setup mayroong 13,473 ang nasa beat patrols, 293 ang bantay sa MRT, LRT at mga terminal, 2,944 sa mobile patrols gamit ang motorsiklo, kotse, at bisikleta, 629 sa mga checkpoints, 344 sa border control, 1,794 sa mga fixed outpost habang 2,192 ang admin patrol duties.

Ang deployment ay nahahati sa mga distrito tulad ng Manila Police District (4,049 personnel), Southern Police District (4,924), Quezon City Police District (4,308), Northern Police District (3,293), Eastern Police District (3,136), Regional Mobile Force Battalion (819), at Regional Headquarters (684)

Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, ang naturang recalibrated deployment plan ay sagot sa panawagan ng pangulo upang maghatid ng seguridad at serbisyo sa publiko.

Facebook Comments