Manila, Philippines – Nagtataka si dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora kung bakit hindi natuloy ngayong araw ang pagsisimula ng verification ng mga lagda para sa hirit nitong election recall laban kay San Juan Mayor Guia Gomez.
Sinabi ni Zamora sa interview ng RMN na parang may “kababalaghang” nangyayari dahil ayon sa naka-usap nilang COMELEC election officer ay wala raw nakalaang budget para sa verification ng mga lagda.
At ang ipinagtataka pa nila aniya, wala silang makita ni isang tao mula sa kampo ni Mayor Gomez na parang alam na ng mga ito na hindi nga matutuloy ang verification ngayong araw.
Una rito, tumanggi ang Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order sa hirit ni Mayor Gomez na ipatigil ang recall elections laban sa kanya.
At sa halip ay inatasan ng SC ang kampo ni Zamora na mag-komento sa hirit na TRO ni Gomez sa loob ng limang araw.