Recall sa mga police escort ng mga politiko, gagawin sa Disyembre o Enero ayon sa PNP

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos na sa posibleng sa Disyembre o Enero pa gagawin ang pag-recall ng mga police escort na nakatalaga sa mga politikong tatakbo sa darating na halalan.

Ang paglilinaw ay ginawa ng PNP chief matapos na unang ihayag nito na inumpisahan na ng PNP ang pag-recall sa mga police escort.

Paliwanag ni Carlos, ang inumpisahan sa ngayon ay ang “accounting” ng lahat ng mga pulis na naka-assign na security detail ng mga kandidato sa eleksyon.


Sa oras aniya na maglabas na ng guidelines ang Commission on Elections ay saka nila sisimulan ang pag-recall sa mga ito.

Pero una nang tiniyak ni Carlos na pagkakalooban din ng PNP ng seguridad ang mga kandidato kung mag-apply sila ng exemption sa Comelec at aprubahan ito, matapos nilang patunayang may banta sa kanilang buhay.

Facebook Comments