Reception ceremonies sa lahat ng unit ng Philippine Army, ipinahinto

Itinigil na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng reception ceremonies sa mga unit ng Philippine Army matapos ang pagkamatay ng isang bagitong sundalo sa Maguindanao del Sur.

Agarang ipinag-utos ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang suspensyon ng mga naturang aktibidad sa pagtanggap ng mga bagong sundalo, kasunod ng insidente na ikinasawi ni Pvt. Charlie Patigayon.

Ayon naman kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, pag-aaralan ng AFP ang pagsasagawa ng standard na protocol sa reception rites upang maiwasan na maulit muli ang insidente.

Paliwanag ni Dema-ala, hindi awtorisado ang isinagawang reception rites ng kumpanyang pinasukan ni Patigayon.

Sa tatlong kumpanya sa ilalim ng battalion ng 6th Infantry Division, tanging ang unit ni Patigayon lamang ang nagsagawa ng nasabing aktibidad, na hindi umano iniulat sa Battalion Commander.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine Army kaugnay ng insidente habang nasa kustodiya na ng 6ID ang 23 Army officers na sangkot sa insidente.

Facebook Comments