Recital ng “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa mga flag ceremonies, ipinag-utos ng Malacañang

Bukod sa Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, obligado na rin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na kantahin at i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge tuwing magsasagawa ng flag ceremonies.

Ito’y kasunod ng kautusang ibinaba ng Palasyo ng Malacañang sa ilalim Memorandum Circular No. 52 na nilagdaan ni Executive Sec. Lucas Bersamin.

Ayon sa Palasyo, layunin nitong maipasa ang mga simulain ng Bagong Pilipinas sa mga empleyado ng pamahalaan.


Inatasan din ang Presidential Communications Office (PCO) na ibaba sa lahat ng mga tanggapan at departamento ng gobyerno ang kopya ng Bagong Pilipinas hymn at panata.

Ang Bagong Pilipinas ay inilunsad ng pamahalaan bilang brand o tatak ng pamamahala at liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Malacañang, ang branding na ito ay naglalarawan sa isang maprinsipyo, may pananagutan, at maaasahang uri ng pamumuno na pinalakas ng nagkakaisang institusyon ng lipunan.

Facebook Comments