Reclassification ng COVID-19 alert level system sa bansa, inirerekomenda ng mga eksperto

Inirerekomenda ng Advisory Council of Experts (ACE) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagpapatupad ng tatlong klasipikasyon ng pandemic restrictions sa bansa.

Ayon kay dating Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, nakakalito aniya ang kasalukuyang alert level system dahil hindi pamilyar ang publiko sa mga parameters nito.

Dahil dito, iminumungkahi ng advisory council na gamitin ang stop light o traffic light system approach kung saan gagamitin ang kulay green, yellow at red upang tukuyin ang kahandaan ng bansa sa pagluluwag ng alert level kabilang ang panuntunan sa pagsusuot ng face mask.


Bukod dito, dalawang metrics na lamang ang kailangang pagbasehan kabilang ang health care utilization rate (HCUR) at ang average daily attack rate (ADAR).

Sa ilalim ng stoplight approach, mananatili sa “Green” classification ang isang lugar kung mababa sa 6% ang ADAR nito at mababa sa 50% ang HCUR.

Itataas naman sa “Yellow” classification kung nasa 6% hanggang 18% ang ADAR at mababa pa rin sa 50% ang HCUR; habang “Red” classification naman kung mataas sa 18% ang ADAR at pumalo na sa 60% hanggang 70% ang HCUR.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na sa kalagitnaan ng buwan ng Agosto ay asahan na magkakaroon ng bagong alert level classification.

Sa ngayon, ay mananatili aniya muna ang kasalukuyang alert level system habang pina-sisilip pa sa Department of Health (DOH) ang pagkakaroong ng bagong alert level classification na aakma sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments