Lumusot na sa huli at ikatlong pagbasa ng Senado ang panukalang mag-aanunsyong isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya ang bank system hacking.
Kapag naisabatas, mapapatawan ng habambuhay na pagkakabilanggo at pagmumultahin ng 1 hanggang 5 milyon piso ang sinuman mapapatunayang nagkasala. Hindi rin ito puwedeng piyansahan.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, chairman ng Committee on Banks, intensyon ng batas na maging epektibo ang Republic Act 8484 o ang Access Devices Regulations Act of 1998.
“The mere possession of any type of skimming devices or even attempts to access an application or online banking account, regardless of whether or not it will result in monetary loss to the account holder, will now be punishable with imprisonment,” pahayag nito.
Dagdag ni Escudero, pinasa ang panukala para mabawasan ang mga financial fraud at iba pang krimen gamit ang makabagong teknolohiya.
Ang mga pangunahing bank cybercrime sa bansa ay system hacking, automated telling machine (ATM) skimming at pamemeke ng credit card.
Dahil sa pag-amyenda ng Mababa at Mataas na Kapulungan, diretso na ito sa Malacañang para lagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte.