Nangangamba ang Philippine College of Physicians (PCP) na posibleng mahigitan pa sa mga susunod na araw ang record high COVID-19 new cases na naitala kahapon ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Ayon kay PCP President Dr. Mario Panaligan, patuloy na nakakaapekto sa pagtaas ng trend ang mga backlog at incubation period ng COVID-19, kaya pwede pang mas marami ang maitalang kaso.
Sinabi ni Panaligan na mahirap na masabi kung bumababa na ang COVID-19 trend dahil nangangalahati pa lang ang umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at patuloy ang pagiging pabaya ng mga tao.
Bunsod nito, nanawagan ang doktor sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon upang matiyak na tamang naipapatupad ng mga Local Government Unit (LGU) ang health protocols ng DOH.
Batay sa datos ng DOH kahapon, August 10, 2020, nakapagtala ng panibagong 6,958 na kaso ng COVID-19 sa bansa na siyang pinakamataas na naitala sa loob lang ng 24-oras, simula nang makaroon ng kaso ng virus sa Pilipinas.
Sa ngayon ay pumalo na sa 136,638 ang total COVID-19 cases sa bansa kung saan 68,159 rito ang gumaling na habang 2,293 ang nasawi.