Tinawag na “grossly exaggerated” ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang naitalang recod-high unemployment rate nitong Abril.
Ayon kay Diokno, ang 7.3 million na unemployed Filipinos noong Abril ay dahil sa epekto ng Coronavirus Disease at hindi sumasalamin sa totoong estado ng ekonomiya ng bansa.
Punto ng opisyal, isinagawa ang April 2020 Labor Force Survey (LFS) mula April 20 hanggang May 16 kung saan malaking bahagi ng ekonomiya ang sarado dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ngayong pinaluwag na ang quarantine restriction sa bansa, kasunod na aniya nito ang job recovery.
Kabilang sa mga industriyang inaasahang makakabawi ay ang construction at manufacturing habang dahan-dahang maibabalik ang air travel, hotels at tourism.
Matatandaan sa report ng Philippine Statistic Authority (PSA), pumalo sa 17.7% ang unemployment rate sa bansa noong Abril na katumabas ng 7.3 milyong Pilipinong walang trabaho.
Limang milyon itong mas mataas sa 2.3 million unemployed Filipinos na naitala noong April 2019.