Tinalakay ngayon ng Defeat COVID-19 Committee-New Normal Cluster ang isinusulong na Recovery Assistance Package para sa lahat ng mga guro at estudyante sa bansa na apektado ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito ay umapela ang may-akda ng House Bill 6706 na si Baguio City Rep. Mark Go sa mga kasamahang mambabatas na suportahan ang kanyang panukala na layong bigyan ng tulong ang mga guro at mga mag-aaral para sa ipapatupad na flexible at blended learning sa gitna na rin ng national health crisis.
Sa ilalim ng panukala ay mangangailangan ng ₱38 billion para sa flexible at blended learning education.
Sa pondong ito, ₱1.70 billion na pondo para sa higher education institutions habang ₱502.40 million naman para sa technical-vocational institutions ang ilalaan para sa zero percent loan na pambili ng mga laptop, tablets o ibang gadgets na gagamitin sa pagtuturo at pag-aaral.
Pinatitiyak din sa panukala ang stable internet connection gayundin ang pagbibigay ng tools na maaaring magamit ng mga teaching personnel at pagsasailalim sa kanila sa mga trainings o pagsasanay para sa ‘new normal’.
Inaasahang makikinabang dito ang 300,000 na mga estudyante sa higher education at 30,000 sa tech-voc institutions.
Babala ni Go, mahalagang maipasa ang panukala dahil pinangangambahan na umabot sa 59,000 ang dropouts ngayong school year bunsod na rin ng epekto ng pandemic.