Umapela si Quezon City Representative Alfred Vargas sa Kamara at Senado na paglaanan ng pondo sa ilalim ng 2021 national budget ang recovery at rehabilitation plan sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly.
Aniya, ang Typhoon Rolly na pinakamalakas na bagyo ngayong 2020 ay nag-iwan ng ₱11 billion na pinsala sa imprastraktura at ₱2.9 billion na pagkasira naman sa agrikultura.
Mahalaga aniyang mabigyan ng budget ang muling pagbangon at pagsasaayos ng mga probinsyang lubhang tinamaan ng kalamidad partikular sa Batangas, Quezon at Bicol Region.
Sinabi ni Vargas na ang inisyatibong ito ay bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga kababayang na-displaced dahil sa bagyo.
Hindi na rin aniya kakayanin pa ng bansa na patuloy na mahirapan gayong unti-unti na tayong nakakabangon sa COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin pa ni Vargas ang pagpapatupad ng long-term strategies sa pagtugon, hindi lamang sa mga pangangailangan ng mga typhoon-affected areas kundi pati na rin sa epekto ng climate change.
Magagawa lamang aniya ito sa pamamagitan ng Department of Disaster Resilience (DDR), kaya naman nanawagan din si Vargas sa Senado na madaliin na ang pagpapatibay sa counterpart measure ng nasabing paglikha ng ahensya.