Pinakikilos ni Albay Rep. Joey Salceda ang gobyerno na magpalit na sa recovery phase mula sa response mode para sa Taal.
Ito ay kasunod ng pagbaba ng alerto ng bulkang Taal sa alert level 3 mula sa alert level 4 na tumagal ng dalawang linggo.
Ayon kay Salceda, simulan na dapat agad ng pamahalaan at ng mga LGUs ang rehabilitation partikular sa resettlement ng mga nakatira sa volcano island.
Bukod dito, pinapabalik na rin ang mga linya ng kuryente at tubig sa mga bayang apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.
Inirekomenda ni Salceda sa DSWD ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga residente tulad ng “cash for work” at ang implementasyon ng programa ng DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD).
Hiniling din ng kongresista na isailalim sa psychosocial care at stress debriefing ang mga biktima ng sakuna.
Iginiit din ni Salceda ang proper accounting at auditing ng mga donasyon at pinasisilip din ang status mg calamity funds na gagamitin sa mga beneficiaries ng Taal.
Dagdag pa ni Salceda na seryosohin na sa pagkakataon na ito ng mga barangay, municipalities at mga syudad ang paglalatag ng contingency plan at magsilbing leksyon para sa lahat ang nangyaring pagputok ng Bulkang Taal.