Recovery rate ng PNP sa COVID-19, nasa halos 50% na

Halos limampung porsyento (50%) na ang recovery rate ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga tauhan na naging positibo sa COVID-19.

Ito ay batay sa huling datos na inilabas ng PNP kung saan 298 sa kanilang hanay ang may kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Sa bilang ng mga positibo, 147 o 49% ay gumaling na.


Ito ay mahigit doble sa recovery rate ng bansa na nasa 23%, batay sa huling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) na mayroong 15,049 na kaso ng COVID-19 sa buong bansa kung saan 3,506 ang naka-rekober.

Matatandaang sa pagpapasinaya kamakalawa ng sariling COVID-19 testing facility ng PNP, sinabi ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na maaga pa lang ay nagpatupad na ang PNP ng mga hakbang upang mapangalagaan ang kanilang hanay sa banta ng COVID-19.

Para kay Gamboa, mahalagang matiyak ang kalusugan ng mga pulis para maging mas epektibo sa pagpapatupad ng ipinaiiral na quarantine measures ng gobyerno.

Facebook Comments