Pinapasilip ng ilang mambabatas sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang Catalist International Manpower Services Company, ang recruitment agency na nagpadala kay Jullebee Ranara sa Kuwait kung saan siya inabuso, minaltrato at brutal na pinaslang.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa House Resolution 731 na inihain nina hiniling nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano.
Bukod kay Ranara ay mayroon pa umanong 55 mga Overseas Filipino Worker (OFWs) na ipinadala sa Kuwait ang nasabing recruitment agency.
Layunin ng pagdinig na mabusisi ang recruitment process upang matukoy kung mayroong iregularidad o iligal na ginagawa hindi lamang ang recruitment agency ni Ranara kundi maging ang iba pang overseas workers, employment and placement agencies sa ating bansa.
Target din sa pagdinig na masuri ang kasalukuyang mga batas at patakaran na may kinalaman sa pagtiyak ng kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipinong migrante at nagtatrabaho sa ibayong dagat.