Sisimulan na muli ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mandatory career training courses at recruitment program bilang bahagi ng ipatutupad na “new normal” ng gobyerno simula sa June 1, 2020.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, muling sisimulan ang pagproseso sa mga aplikasyon para sa recruitment ng lateral entry at cadetship program na naantala rin ng ilang buwan dahil sa lockdown.
Tiniyak naman ni Gamboa na sa pagsisimula ng recruitment at training courses sa PNP ay mahigpit na ipatutupad ang social distancing at pagsusuot ng facemask.
Ipatutupad rin ang health standards ng PNP Health Service na pagbabawal sa pagshi-share at panghihiram ng personal belongings katulad ng ballpen, cellphone, notebooks , laptops at iba pa.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng inspeksyon ang PNP sa mga lugar na pagdarausan ng mga training bilang preventive measure laban sa COVID-19.
Nilinaw naman ni Police Major General Amador Corpus, ang Director for Human Resource Doctrine and Development na ang itutuloy lang sa recruitment program ng PNP ay ang pending medical, dental, neuro-psychiatric at drug test examinations bilang bahagi ng screening process ng PNP applicants.
Habang sinabi pa ni Corpus na medical clearance ang minimum requirement para maipagpatuloy ang mga training program sa PNP.