Recruitment ng mga bagong pulis babantayan ng PNP-IMEG

Inutusan na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) na maglagay ng complaint desk sa lahat ng recruitment activities ng PNP sa buong bansa.

Dahil dito inilunsad ni IMEG Director PBgen. Thomas Frias Jr. ang Oplan Pagsungko II, kung saan bababantayan ng mga tauhan ng IMEG ang bawat hakbang ng recruitment process.

Layunin nitong matiyak na striktong nasusunod ang mga direktiba ng PNP Chief, kaugnay ng Intensified Cleanliness Program ng PNP.


Babala ni Gen. Frias, gagamit sila ng mga lantad at palihim na hakbang upang masiguro na walang katiwaliang mangyayari sa proseso ng pag-recruit.

Matatandaang sinabi ni Gen. Eleazar na wala nang palakasan at bata-bata system sa recruitment ng mga pulis, at tatanggapin ang mga aplikante batay sa kanilang kwalipikasyon.

Kahapon, nagsimula na ang pagpili ng mga kwalipikadong aplikante para sa mahigit 17-libong bagong pulis na kukunin ng PNP.

Facebook Comments