Nanawagan si Department of National Defense (DND) Undersecretary Reynaldo Mapagu na siya ring Chairperson ng Task Force Balik Loob sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) na itigil na ang recruitment sa mga kabataan.
Ito ay matapos na madisikubre ng militar nang ituro ng dating miyembro ng NPA ang pinaglibingan sa isang dating estudyante ng Cagayan State University na namatay sa pakikipag engkwentro sa militar noong 2017 matapos marecruit ng NPA.
Kinilala ito ni Usec. Mapagu na si Justine Bautista alyas “Aira”, Medical Officer at Political Guide ng Northern Front Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Bago pa napasama sa armadong pakikibaka si Bautista ay miyembro ito ng kabataan at College Editor’s Guild of the Philippines.
Sa kwento ng dating rebelde, basta na lamang inilibing nang kanyang mga kasamahang NPA ang batang si Bautista matapos mamatay sa sagupaan noong 2017 sa San Jose Baggao, Cagayan.
Sinabi Mapagu, nagpapasalamat sya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa walang tigil na operasyon laban sa NPA.
Pero patuloy naman ang kanyang panawagan sa makakaliwang grupo na sumuko na sa gobyerno.
Mayroon aniyang nakalaang programa sa mga ito ang pamahalaan para makapag bagong buhay at ito ay ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).